Si Itay Habang Pinagmamasdan Ang Kanyang Talambuhay
Sinusuyo ng mga luntiang
dahong palay
ang kabagutan na hatid
ng sariling layunin
na maaliw nila ang nagnanais
sa kanilang mga butil.
Sila’y umaalinsunod sa awit
ng mapangharot na hangin, habang
ang mamang may mga matang
mapagpasensiya’y palinga-linga
na para bang hinahanap sa kahabaan
ng oras na pumipitik sa katahimikan
ang ulan na gigising
sa nakakwadradong nitong pangarap.
Ah, para itong isang pintor
walang sawang minamasid
ang sariling talambuhay
na ipininta sa lona ng pag-iisa!
Advertisements