Archive for the 'Tulang Pinoy' Category

Si Itay Habang Pinagmamasdan Ang Kanyang Talambuhay

Si Itay Habang Pinagmamasdan Ang Kanyang Talambuhay

Sinusuyo ng mga luntiang
dahong palay

ang kabagutan na hatid
ng sariling layunin

na maaliw nila ang nagnanais
sa kanilang mga butil.

Sila’y umaalinsunod sa awit
ng mapangharot na hangin, habang

ang mamang may mga matang
mapagpasensiya’y palinga-linga

na para bang hinahanap sa kahabaan
ng oras na pumipitik sa katahimikan

ang ulan na gigising
sa nakakwadradong nitong pangarap.

Ah, para itong isang pintor
walang sawang minamasid

ang sariling talambuhay
na ipininta sa lona ng pag-iisa!

Advertisements

Wika Ko, Ako Ito

Wika Ko, Ako Ito

Muli kong naramdamang ako ay
ako sa aking bolpen at papel,
at ang katauhan ko’y muling nagbukang liwayway
na may bangong kasinghalimuyak ng isang maharlikang
bulaklak na namumukadkad.

Natuto akong tumawa
sa aking kalayaan ng may panibagong kagalakan,
at natuto rin akong umiyak ng mga taludtod
na pang Maalala Mo Kaya.

Kailan ko lang napagtanto
nang napakabangong wikang dumadaloy sa aking ugat
ay ipinunla sa aking kaibuturan ng aking mga ninuno
na umanib sa kaluluwa ng kapaligiran, upang sa akin ito’y yumakap
at ako’y igabay sa aking pagbabaybay
sa lupamg hinirang.

Hmm, kaysarap damhin
ang aking wika
at nakakabighaning dinggin
ang bawat pantig nito na sumasabay sa kislot
ng aking nangangayayat na puso.

Sarili’y aking tinanong,
saan nga bang mundo dumapo ang aking anino
at itong sariling kayamanan ay
di ko pansin noon?

Ah, maaaring ako lang ay naging
mapanibughong mangmang na nagnanais
na maangkin ang hindi sa akin,
at maaari nga sa tinagal
tagal ng panahon ako’y nalulong sa kislap

…ng pagiging isang expat.

Tulang May Landi

Tulang May Landi

Narinig ko
inaaliw

ng isang tulang may landi
ang nabalisawsaw kong utak
para sa gayon daw eh,
ako ay muling umusbong

na parang tag-sibol.

Dismaya ang malimit
kong makita
(Kailan kaya ito titigil sa kabubuntot sa akin?)
kahit saan ko man ibaling
itong anino kong takot

sa kaharasan ng araw.

Damang-dama ko
kung ano ang damdamin
ng isang naghihinayang
nang aking ibasura sa kalawakan

itong mapaglikhang ako.

Kaya ngayon, di na ako
nag-atubiling sundin ang pangungusap ng aking dismaya
na “Life’s not over, move on!”
at maging parang isang

tulang
may landi.

© 2011 Ernesto P. Santiago


Enter your email address to subscribe to this blog and receive notifications of new posts by email.

Join 81 other followers

Flickr Photos

Latest Tweets

September 2017
M T W T F S S
« Feb    
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
252627282930  

Blog Stats

  • 4,961 hits