Wika Ko, Ako Ito
Muli kong naramdamang ako ay
ako sa aking bolpen at papel,
at ang katauhan ko’y muling nagbukang liwayway
na may bangong kasinghalimuyak ng isang maharlikang
bulaklak na namumukadkad.
Natuto akong tumawa
sa aking kalayaan ng may panibagong kagalakan,
at natuto rin akong umiyak ng mga taludtod
na pang Maalala Mo Kaya.
Kailan ko lang napagtanto
nang napakabangong wikang dumadaloy sa aking ugat
ay ipinunla sa aking kaibuturan ng aking mga ninuno
na umanib sa kaluluwa ng kapaligiran, upang sa akin ito’y yumakap
at ako’y igabay sa aking pagbabaybay
sa lupamg hinirang.
Hmm, kaysarap damhin
ang aking wika
at nakakabighaning dinggin
ang bawat pantig nito na sumasabay sa kislot
ng aking nangangayayat na puso.
Sarili’y aking tinanong,
saan nga bang mundo dumapo ang aking anino
at itong sariling kayamanan ay
di ko pansin noon?
Ah, maaaring ako lang ay naging
mapanibughong mangmang na nagnanais
na maangkin ang hindi sa akin,
at maaari nga sa tinagal
tagal ng panahon ako’y nalulong sa kislap
…ng pagiging isang expat.